Sunday, September 18, 2011

Di ko matantsa.

Minsan iniisip ko kung tama nga ba na mahalin kita ng higit pa sa Facebook account ko. Oo, mahal kita. Ikaw ang tinitibok ng puso kong tibo mula pa noong una kitang bigyan ng sandosenang rosas. Mailap man ang pag-ibig, sulit naman ang bawat segundo ng dagliang pagdampi ng ating mga labi.


Hindi mo masabi kung ako na ba talaga ang nais mong makasama hanggang sa pagputi ng ating mga buhok at paglabo ng ating paningin. Sa paulit-ulit kong pagtatanong ay yun at yun parin ang sagot mo, "hayaan natin na ang bukas ang magpasya". Kung sabagay, hindi naman kita masisi kung sa tingin mo ay walang kasiguraduhan ang lahat ng kakornihang ito dahil ako man ay nag-aalangan din...


Paano nga ba ang buhay ng mag-asawang lesbyana?
Kung pareho tayong hindi tanggap sa ating mga pamilya,
paano natin haharapin ang bawat pasko at reunions na dadating?
Kung walang suporta mula sa mga institusyon ng lipunan kagaya ng gobyerno, pamilya, at paaralan, paano na lang ang ating magiging anak?
Paano tayo maglaladlad kung ang kapalit nito ay ang ating kabuhayan?
Paano natin maipapakita ang ating pagmamahal kung ang lipunan mismo ang dumudusta?
Paano na lang kung tayo ay matanda, hindi na kita maipagtatanggol sa lipunang mapanghusga.
Paano kung wala ng lakas ang aking mga bisig na yakapin ka upang pawiin ang sakit?
Paano kung hindi na sapat ang pag-ibig upang labanan ang diskriminasyon sa ating pagmamahalan?


Kagaya mo, marami din akong tanong. Pero sigurado ako dito, pagsama-samahin man ang pinakaguwapong lalake sa buong mundo, ikaw lang ang magpapalundag sa puso ko. 


Sapagka't ang pag-ibig ay walang pinipiling kasarina. 
Ang pag-ibig, walang kundisyon. 
Ang pag-ibig, malaya.